Pumutok na ang liwanag, umaga na pala bagong araw bagong pag-asa pero ako parang ipinagpapatuloy ko lang ang malamig na gabi, mahirap, malungkot, masakit, at lahat na ng pangit na pakiramdam na nagsismula sa "ma"
saan ka pupunta kapag pakiramdam mo'y nagi-isa ka’t walang kasama, mga tao sa paligid mo’y alin sa dalawa parang hangin nandyan pero di nakikita o parang lamesa nahahawakan pero walang pakiramdam. 'Tang na! nabuhay ka pa, simulat-sapul puro na lang komplikadong sitwasyon ang kailangan mong harapin parang lotto taya ka ng taya pero simulat-sapul lagi ka namang talo, minsan maiisip mo sinumpa ka yata ng tadhana, sa maikling apat-napung taon ng buhay mo sinikap mong maging isang mabuting tao kahit na paminsan-minsan sablay ang mga desisyon mo, wala ka namang taong sinaktan o inargabyado, pero bakit nga? Heto nanaman komplikado uli ang kinalalagyan mo, anak ng tipaklong,,,
Naniniwala akong sa bawat tao na ating makikilala at sa bawat sitwasyon sa bawat pagkakataon may aral tayong dapat matutunan. Pero bakit di ko na yata maintindihan, ano ang aral na dapat kong matutunan sa sitwasyon ko ngayon. Kung kailan mo kailangan ang isang kaibigan sa tabi mo tsaka naman sya nakatakdang mawala, mawala ng tuluyan at makalimutan, at ang isang taong dapat sana’y kasama mong humarap sa mga sitwasyong tulad nito ay tila namang nawalan na ng interes na samahan ka. Mabuti pa ang lotto kung minsan balik taya pero ang sitwasyon ko ngayon wlang kapana-panalo. Kung sabagay naging kumplikado ang lahat ng masumpungan kung umibig muli sa tila maling sitwasyon o maling pagkakataon.
Mahirap palang magmahal, kaya pala minsan nabasa ko nakasulat sa pader ng pabrika ng sardinas ang kakayahan daw ng taong magmahal ay natutunan nya noong sya ay nasa langit pa kasama ni Bathala. Ang umibig ay katangian lamang daw ng mga lumikha. Ang isa sa pinaka mahirap na sitwasyong pwedeng maranasan ng isang tao ay yung pakiramdam na may pagi-big kang nawala, mayroong dumating, pero nakatakda na ring mawala, dahil hindi sa iyo,,, ang malas naman,,, parang DVD sa Video City hinihiram mo lang pero ibabaik mo din,,,hindi talaga sa iyo, dahil may nagma-mayaring iba,,, hindi pa man para ka na lang isang karakter sa libro ng kasaysayan, ang buhay mo ngayon nagsisismula pa lang pero isa nang lang ala-ala na ayaw mo nang balikan,,, 'tang ina uli! ang drama. eto pa,, sa lahat ng mga pangyayaring ito nagi-isa ka na wala pwedeng makausap at makasama o kaya naman’y parang walang makakaunawa at makakaintindi sa tindi ng pingdadaanan mo. Sige pa,,, ibuhos mo pa,,, May mas mahirap pa ba sa kalagayan ko ngayon. Aha! Teka muna baka naman may kapalit itong isang magandang pangyayari sa buhay ko na di inaasahan,,, baka naman mananalo ako sa lotto ng jackpot,,, pero di ko naman kailangan ng maraming pera, isang matiwasay at maligayang buhay lang naman ang hangad ko, maayos na bahay, pamilya at syempre ang rooftop na pangarap ko at ang pinakama-mahal kong gitara.
Oo nga gitara,,,, mabuti pa ang relasyon ko sa aking gitara walang komplikasyon, walang inaalala, pwede lahat, walang prinsipyong ini-ingatan, pwedeng yakapin hawakan at maangkin ano mang oras kahit kailan kahit saan pwede kong makasama.
Pero sa kabila ng lahat nagpapasalamat parin ako sa Dyos, sa mga karanasang di pangkaraniwan tulad nito, siguro'y napakagaling ko para sa kanya kaya sa akin ibinigay ang lahat ng ito. Kasabay ng pagtulo ng luha at hapdi ng sakit na nararamdaman ko ang pagsuko sa inaakala kong tama nawa’y maging maayos ang lahat, at makaranas naman ako ng kaunting payapa kahit sa huling pagkakataon.
Hanggang ngayon binubulong ko pa rin sa hangin ang pag-ibig ko sa iyo, nawa'y padparin ito sa puso mo at manahan doon hangang sa wakas ng panahon,,, hayup parang kanta ni Imelda Papin, pero ganun yata ang taong nagmamahal, nagiging makata, kasi naman nanga-galing sa kaibuturan ng kaluluwa’t isipan ang mga kataga kung saan nakahimlay ang mga tula. Mga bagay na gusto nyang bigkasin at sabihin,,, mga bagay na nararamdaman pero hindi maikulong sa salita walang makuhang katumbas na kataga,,, tama na, pahinga na muna.